Salamat dahil napadpad ka dito.  :) Wala pang masyadong nakalagay.  Pinipilit ko pang tapusin ang mga ibang nasulat ko, itype, at ilagay dito. Tungkol ito sa mga pananaw ko sa buhay, sa pag-ibig, sa mga tao, at sa kung ano-ano pang bagay sa paligid ko. 

Halos lahat ay Tagalog, dahil dun ako komportable.  Pero may mga ilang salita rin naman na trinatransalte ko pa sa salitang banyaga.  Hindi naman ata magandang basahin kung purong tagalog diba? ;) Baka maging tunog-makata pa ako. Hahaha. :)

Sana ay maglaan ka kahit kaunting oras para magbasa at kilatisin ang mga nasulat ko na.  Masaya ako tuwing may nag-cocomment :D Laitin mo, purihin mo, ikaw na ang bahala dun :D Basta mag-react ka, ok na rin sakin.  Kung ilalagay mo ang link ko sa page mo, maraming salamat sayo :)

Hindi ko totoong pangalan. Tinatago ang katauhan. Hindi talaga dito nagbla-blog. Sinusubukan lang magsulat. Ipahayag ang nararamdaman. Iparinig ang inyong mga boses. Magsalita :)

 Lahat nga pala ng icons ay galing dito.  Thank you!

*_mayumi

Currently feeling: happy :)
Posted by _mayumi on January 9, 2007 at 10:21 PM as a stickied post | 1 ang nagsalita

Maaliwalas ang panahon noon, sing-liwanag ng mga ngiti mo.  Mahangin.  Sumasayaw ang mga dahon sa mga puno, kasabay ng dahan-dahang paggalaw ng mga ulap na parang mga cotton candy na nakalutang sa langit.  Mga ilang minuto na rin akong nakatitig sayo-- kung pano mo paikut-ikutin ang bolpen mo habang kinokopya ang sinusulat ng teacher natin sa board, ang paglagay ng takip ng bolpen sa bibig mo habang nakikinig, ang bawat pagpadyak ng paa mo, ang lahat ng kilos mo.  Lahat pinapansin ko.  Ang uniform mo na kahit kelan hindi ko nakitang madumi o may lukot, ang bag mo na puno ng gamit araw-araw kahit hindi naman kailangan, at ang mga notebook mo na maraming nanghihiram pero hindi ko maintindihan ang mga nakasulat.  

Ako kaya nakikita mo? Napapansin? Alam mo kaya na choco float ang paborito kong bilhin sa lumang caf ng school natin? Na lagi akong nakapigtails sa tuwing may PE tayo? Na meron akong isang kapatid na lalaki, dalawang aso at tatlong isda?  At alam mo rin kayang valedictorian ako nung kinder?

Malamang hindi.  Hindi mo naman ako nakikita gaya ng nakikita kita.  Parang may isang higanteng pader na pumapagitna sating dalawa.  Masyadong magkalayo ang mundo natin, nandiyan ka, nandito ako.  Alam kong nahihirapan ka dahil sa maraming expectations sayo ng mga tao.  Gwapo ka kasi.  Matalino, mabait, gentleman at sandamukal pang listahan ng magagandang katangian.  Samantalang ako, wala.  Hindi ako gaya mo, hindi ako napapansin, hindi ako maganda o mabait o--

Ay ewan. Eto ba ang napapala ko dahil sayo? Ang kaawaan ko ang sarili ko dahil sa mga bagay na meron ka at wala ako?  Akala ko pag may gusto ka daw laging masaya.  Parang may nahuhulog na mga bulaklak, may sumasabog na fireworks, at may sweet na background music.  Pero sayo hindi.  Walang fireworks o flowers o background music.  Wala akong ibang naririnig kundi ikaw.  Ikaw lang.  Ang bawat salitang nanggagaling sayo, ang bawat kilos mo.  Parang sasabog ako sa tuwing kinakausap mo ko.  Hindi ko alam kung kinikilig ba ko o ninenerbiyos sa tuwing nandiyan ka.  Hindi ako makahinga ng maayos, baka dahil nakakapanghina kang kausap o baka masikip  lang talaga ang blouse ng uniform ko.

Tapos na ang boring nating klase.  Limampung minuto na pala kong nagmumuni-muni.  Parang hindi ko man lang narinig ang bell na parati kong hinihintay.  Tumayo ako at niligpit ang mga gamit ko.  Nilingon kita.  Hindi ka pa rin pala nakakaalis ng classroom.  Mabagal ka rin kasi.  Pano naman, ang dami mong dala.  Aanhin mo ba yang mga yan?

Lumabas na ko ng classroom.  Hinihintay pala ko ng mga kaibigan ko.  Iniwan na kita.  Para namang mapapansin mo kung umalis na ko no? Dumiretso ako sa lugar kung saan tumatambay ang buong section natin. Naupo ako sa isang table dun. Maya-maya dumating ka na rin.  Pumunta ako ng caf mag-isa at bumili ng paborito kong choco float.  Nang bumalik ako, andun ka pa rin.  Mag-isa at nakatitig sa kawalan.

Naglakas-loob akong lumapit sayo.  Umupo ako sa harap mo.  Mag-aaral ako dapat dahil may exam tayo sa araw na yon.  Pero mas pinili kong makausap ka kesa mag-aral.  Binati mo ako.  Natahimik ako ng konti.  Di bagay na natatameme ako, hindi ako sanay.  Wala akong maisip na excuse sa paglapit ko sayo kaya hiniram ko na lang ang notebook mo.  Diba ayos? Nakakapag-aral na ko, kasama pa kita.  

Pagbuklat ko ng notebook mo, naguluhan ako. Ano ba yang sulat mo, Chinese?! Ikaw lang ata ang nakakaintindi ng notes mo e.  Ano yun, para di mo mashare ang katalinuhan mo sa iba? Natawa ko ng kaunti, at napansin mo pala dahil tinanong mo kung bakit ako napangiti.  Aba, napansin mo? Kakaiba.  Kaya tinanong na lang kita kung ano yung mga hindi ko maintindihan na sulat mo (halos lahat) pero ayos lang, masaya naman ako.

Parang ang bagal ng oras, nakatitig ako sa may malaking relo sa front lob pero parang hindi gumagalaw ang mga kamay ng orasan.  Nakakabingi ang katahimikan.  Pareho tayong hindi nagsasalita.  Pero kuntento ako at masaya.  Wala akong pakialam sa iniisip ng iba, sa kung ano ang tingin nilang ginagawa ko.  Masaya ako at walang makakapigil sakin.  

Pero natatapos rin ang masasayang sandali.  Kahit anong gawin ko, hindi ko hawak ang oras.  Wala akong kakayahang i-pause, o i-rewind ang mga pangyayaring gaya nito.  Madalang lang na makasama kita, yung tayong dalawa lang.  Tayong dalawa lang sa isang lugar kung saan tahimik at walang nakikialam satin.  Walang mga magulang na may matataas na expectations sa anak, mga teachers na mababa magbigay ng grade, magugulong kapatid, polusyon, patayan, giyera-- basta lahat na! Malayo tayo sa kalupitan ng mundo.

Tatlong klase pa ang nagdaan.  Tungkol dun sa exam, ewan.  Lumulutang ang utak ko kanina, dala siguro ng sobrang saya.  Magkalapit pa tayo ng upuan, hindi ako makasagot ng maayos. Mas magandang titigan ka na lang kaysa ang blanko kong papel.  

Sa wakas, tapos na rin ang klase.  Isang araw na naman ang nagdaan.  Nakakapagod.  Masakit ang mga kalamnan at mga buto ko.  Tapos dumaan ka.  At ngumiti.  Sakin.  Sakin? Aba aba aba.  Kelan ka pa natutong mamansin ng mga hindi mo ka-uri?

Lumapit ka.  Kinabahan ako.  Hindi ko ba nabalik ang notebook mo?  O may utang ako sayo? Ah ah tama. Sakin ka naman manghihiram ng notes ko ngayon?  Tsk. Sabi ko na e, alam kong isa ka rin sa mgataga-hanga ng mga Hello Kitty kong notebook at mga bolpen kong iba-iba ang kulay.  Tingin ko nga kailangan mo talaga ng tulong diyan sa magugulo mong notes na yan, parang kinalahid ng manok e.  Kung gusto--

"Gusto kita.."

Huh? Tss. Guni-guni.  Asan na nga ba yung bag ko na yun?  Naiwan ko ata sa dorm--


"Sabi ko gusto kita.."

Hello?  Parang natigilan ako ah. Hinde, natigilan talaga ko.  Anong sabi mo? Ako ba ang kausap mo?  Ah! Hahahaha. Okay.  Nalaman mong crush na crush kita no? Wag ka mag-alala, di naman ako umaasa.  At lalong hindi ako nangangailangan ng awa.  Ok na sakin yung nakikita ka---

Bakit mo hinahawakan ang kamay ko?!?!?! Anong problema mo?! Walangya.  Pero sige, ayos yan.  Wag mo na bitawan.  Ang sarap pala.  Teka teka.   Nagsasalita ba ko?  Masyado ba kong madaldal?  O nasa isip ko lang to at para lang pala kong tangang natameme sa harap mo?

Huy.  Bakit ka naman ganyan makatingin?  Nalulusaw ako.  At ano ba naman tong mga kamay ko na to.  Bakit ngayon ka pa namawis ng ganyan?! Diyahe naman oo.

Tama ba ang narinig ko?  Nagtatapat ka sakin?  Mahal mo ko?! Whoa, whoa, whoa.  Talaga? Bakit? Ang daming pwedeng iba diyan o!  Ako lang talaga? Weh wag ka na!  Ano namang nakita mo sakin?  Lahat?  Yeah right.  Uh, close ba tayo?

Para pala kong timang.  Pakipot pa kasi.  Kung pwede lang sabihin ko na agad sayo na oo mahal din kita.  Pero siyempre hindi pwedeng ganun.  Dalagang Pilipina dapat.  Mahinhin.  Di basta-basta sasagot lang.  

"Oo mahal din kita."

Oh shit. Ano ba yang nasabi ko.  Pero.. hindi ko na pwedeng bawiin diba? Nasabi ko na e.  Kailangan ko na lang panindigan.

+ + + +

hindi ko alam kung tapos na.  ang storya ay 30% na totoo at 70% na barbero :) ieedit ko na lang kung sakaling may maiisip akong mas ayos na ending :P

comment lang ;)
 

Currently listening to: blowing in the wind
Currently watching: dead or alive
Currently feeling: creative
Posted by _mayumi on December 30, 2006 at 04:35 AM as a favorite post | 4 ang nagsalita
« Newer · Older »